Chicken Gumbo Soup
>> Thursday, December 25, 2008
Alas siyete ng gabi ng kami ay nanuod ng TINES (isa itong parada ng mga karosa, kung saan ay pinapakilala ang mga ibat-ibang character sa Bibliya. Ang inaabangan ang panunuluyan ni Maria at Jose, kung saan ay naghahanap sila ng lugar na matutuluyan.) At siyempre, hindi pahuhuli ang karosa ni Eva at Adan, na siya namang dinudumog ng mga tao dahil sa kanila kasuotan. Ngayon taon na ito ay kagulat-gulat ang aking makita. Hindi ko sinasadyang makitang walang saplot ang puwit ni Adan ( kaya pala lalong pingakaguluhan).
Kanya-kanyang gimik ang mga barangay, pagandahan ng mga karosa, kasama na dito ang mga nag gagandahang mga kababaihan at kalalakihan na siyang nakatayo sa karosa. Ang mga tao ay nagkakagulo at nag uunahang makakuha ng litrato ng bawat karosa. Bawat barangay ay may kani-kaniyang bandang tumutugtog, makulay ang kanilang kasuotan, at talaga namang pinaghandaan. Bukod sa mga naglalakihang karosa ay may mga kabataan ding pumaparada, mga kasuotan nila ay nakikinangan. Ang iba ay mga mga dalang kagamitan katulad na tungkod sa pagpapastol, basket naman para sa mga kababaihan. Nakigulo din ako sa pagkuha ng mga litrato ng bawat karosa :)
Nag-umpisa ng umambon ng matapos naming mapanuod ang parada, binuksan ng iba ang kanilang payong, ang iba naman ay hindi ininda ang patak ng ulan. Sa mga ganitong pagkakataon, kay sarap humigop ng mainit na sabaw, upang pawiin ang lamig na nararamdaman.
Tamang-tama ang aking nilutong Chicken Gumbo Soup, sabaw na may red at green bell pepper, chicken flakes, herbs, celery at okra. Maanghang-anghang ang kanyang lasa, kaya't lalong napawi ang ginaw na aking nararamdaman. Marami akong niluto kaya namahagi ako sa aking mga kamag anak, na sya nilang pinagsaluhan sa hapunan.
photo credit, soonerjh